Sa umpisa pa lamang, malinaw na ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte: ang pagsugpo sa ilegal na droga, kriminalidad, at korapsyon.
Mabigat ang tungkulin na ito at isa ang DILG sa inaasahang manguna sa pagpapatupad ng kampanyang ito. Higit kailanman, ngayon natin kailangang magtulungan at magkaisa dahil iisa ang ating layunin – isang tapat at malinis na gobyernong nakakapagbigay ng tapat at maayos na serbisyo sa mga mamamayang Pilipino.
Ikinagagalak ko na ang mga opisyal at empleyado ng DILG ay matitino, mahuhusay, at maaasahan sa trabaho.
Kaya hindi ko maiwasang magulat at madismaya sa mali-maling balita na umano’y may ‘midnight appointments’, pagmamaniobra ng ilang undersecretaries o assistant secretaries, at ang paghahamak sa akin na ako ay nasa ilalim ng kanilang impluwensiya at bulag sa pangyayari sa Kagawaran.
Sa katunayan, ang napabalitang ‘midnight’ appointment o promotion ng ilang empleyado sa DILG Central Office ay hindi po minadali at sa katotohanan ay dumaan sa prosesong naaayon sa alituntunin ng Civil Service Commission (CSC).
Ang DILG ay kasalukuyang nag-a-apply para sa International Organization for Standardization o ISO 9001:2008 Quality Management System Certification. Ang iba’t ibang pamamalakad sa Kagawaran ay sinisigurong alinsunod sa tamang proseso kabilang na ang pagpili ng mga aplikante sa trabaho. Hindi totoong may pagsalag sa pagpasok ng mga bagong tauhan. Hindi kasama sa basehan ng pagpili ang political affiliation.
Maging ang mahal nating Pangulo ay walang diskriminasyon sa mga hindi sumuporta sa kanya noong eleksyon.
Inuulit ko ang sinabi ng Pangulo sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA): “I wish to assure everyone though that vindictiveness is not in my system. Just like you and I, all, equal treatment and equal protection are what I ask for our people.”
Marami tayong trabahong dapat gawin. Sa panahong ito na unti-unti na nating nakikita at nadarama ang pagbabago, walang puwang ang pagbabatuhan ng putik at ang pagkakalat ng malisyosong balita.
Nananawagan ako sa ating mga kababayan at maging sa media na may mas mahahalaga at makabuluhang paksa at gawaing dapat nating hinaharap.
Sama-sama tayo sa paghahatid ng tapat na gobyerno para sa tunay na pagbabago.